by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Saturday, July 25, 2015
Kabuuang 420 ang bilang ng mga scholar ng Romblon Provincial Government ngayong School Year 2015-2016 na nakaenrol sa siyam na campuses ng Romblon State University (RSU) sa buong probinsiya.
Ang mga kabataan o estudyanteng ito ay pumasa sa qualifying examination na ibinigay ng Office of the Governor sa pakikipagtulungan ng RSU at kabilang sa mahihirap na pamilya ngunit may angking talino na nais tulungan ng pamahalaang panlalawigan na makapagtapos sa pag-aaral.
Ang programang pang-edukasyon ng kasalukuyang administrasyon ay naglalayong makatulong sa mga nagdarahop na magulang na matupad ang pangarap ng mga ito na mapagtapos sa kolehiyo ang kanilang mga anak.
Ang Provincial Government Scholarship Program (PGSP) ay maituturing na may malaki at pangmatagalang epekto sa buhay ng mga kabataan dahil ang edukasyon ay magsisilbing sandata ng mga ito upang makahanap ng maayos na trabaho at mapaunlad ang antas ng kanilang pamumuhay.
Ang mahigit apatnaraang iskolar ay tatanggap mula sa LGU ng P4,000 na pang-matrikula at buwanang allowance ng mga ito.
Hinihimok ni Gob. Eduardo C. Firmalo ang mga kabataang scholar na pagbutihin ang kanilang pag-aaral upang matulungan ang kanilang mga magulang at maging isang mabuting kawani ng anumang tanggapan o maging isang responsableng empleyado ng sa hinaharap.
Ayon kay Trina Firmalo, Chief of Staff ng Office of the Governor, huwag umanong sayangin ang magandang oportunidad na makapag-aral ng libre sa kolehiyo sapagkat pagkakataon na nila ito upang maiahon sa tanikala ng kahirapan ang kani-kanilang pamilya at makapag-ambag sa kaunlaran ng lalawigan.
