
Tanggap na umano ng mga local Public Utility Jeep Operators ang pagpasok ng Dimple Star Transport sa Transport Industry sa Tablas Island, Romblon ayon sa Chairman ng Committee on Transportation and Communication ng Romblon na si Sanguniang Panlalawigan Member Felix Ylagan.
Sa isinagawang consultative meeting kanina na dinaluhan ng mga representatives ng Land Transportation Office, Local PUJ Operators, at Dimple Star Transport sa ONA Hall sa Romblon Provincial Hospital, napagkasunduan na point to point o terminal to terminal lamang pwedeng bumaba at sumakay ang mga pasahero ng Dimple Star Busses.
Halimbawa nalang kung patungo kang Barangay Anahao sa Odiongan at biyaheng Odiongan to Looc ang nasakyan mong Bus, hindi ka nito ibaba sa Barangay Anahao at mapipilitan kang sumakay ng Jeep o di kaya ay ng motor.
Sinabi rin ni SP Ylagan na ang pagpasok ng Dimple Star Transport sa Tablas Island ay senyales ng pag pag-level up ng transport system ng lalawigan. Sinabi rin nito na kailangang tanggapin natin ang mga bagong players pagdating sa transport industry.
"Kailangan tanggapin na mag-level tayo. Hindi tayo pwede maging hostage sa sistema ng mga local players natin." pahayag ni SP Yalagan ng makausap ng Romblon News.
Sinagot rin ni Ylagan ang mga kuro-kuro na hindi umano pwede ang busses sa Tablas dahil sa masikip ang kalsada sa National Roads ng Isla.
"Pasok naman ang ating mga circumferential road sa Tablas Island eh, at nasa standard naman yan. Kung mapapansin mo pa nga, nilalawakan pa nga nila yung mga kalsada eh." ayon kay Ylagan.
Ayon sa pamunuan ng Dimple Star Transport, aabot ng halos 20 pirasong bus ang babiyahe sa paikot ng Tablas Island at ilan dito ay biyaheng Manila.



