
Agad na natanggap sa trabaho ang 115 na mga aplikante sa isinagawang job fair ng Department of Labor and Employment (DOLE) – Romblon Field Office kasabay ng paggunita ng ika-121 Araw ng Kalayaan.
Isa ang lalawigan ng Romblon sa 22 lugar sa 16 rehiyon sa bansa na nagsagawa ng naturang aktibidad.
Umabot ng 386 ang job seekers na nagtungo sa covered court ng Romblon State University (RSU)-Main Campus sa Odiongan upang mag-aplay ng trabaho sa 12 employers na nakiisa sa Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK) job fair ng DOLE sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon Provincial Office.
Sinabi ni Carlo Villaflores, provincial director ng DOLE - Romblon, na maliban sa 115 na hired on the spot ay nag-qualify din ang 254 na aplikante sa mga posisyon o trabahong kanilang inaplayan sa mga kumpanya.
Ayon pa sa opisyal, huwag mawawalan ng pag-asa ang mga aplikanteng hindi pinalad na matanggap sa inaplayang trabaho dahil marami pang bakanteng posisyon na magbubukas kahit tapos na ang jobs fair. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)
