
Sugatan ang isang pulis ng Odiongan Municipal Police Station matapos sumalpok ang minamaneho nitong kotse sa isang restaurant sa bayan ng Odiongan sa Romblon.
Nangyari ang aksidente bandang 4:10 ng madaling araw kanina.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, galing sa patrol ang police na si PSSg Jonie Dela Torre nang biglang sumakit ang tiyan at patungo na sana ng drugstore para bumili ng gamot nang manyari ang aksidente.
Bigla umanong may dumaang mabilis na motorsiklo sa kanyang harapan dahilan upang umiwas ito at mawalan ng kontrol hanggang sa sumalpok sa harapang bahagi ng establishment ng kainan.
Agad namang dinala sa Romblon Provincial Hospital ang pulis na nagtamo ng sugat sa kanyang katawan habang nawasak naman ang harapang bahagi ng kainan.
Nagkalat pa sa loob at labas ng kainan ang mga debris katulad ng salamin at mga nawasak na semento. Nasira rin ang bumper ng sasakyan ni Dela Torre.
Tinatayang aabot sa P30,000 ang kabuoang halaga ng nasira sa kainan.



