
Isang driver na sumasideline sa pagbebenta ng iligal na droga ang naaresto ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station sa isang buy-bust operation nitong hapon ng Lunes, April 15.
Natunugan umano ng mga operatiba ng Odiongan MPS ang suspek na si Rolando Jalon Dupalco, 43, na nagbebenta ng iligal na droga kaya agad silang nagplano ng operasyon para mahuli ito.
Nabilhan ng isang nagpanggap na buyer ang suspek ng isang sachet na shabu sa halagang P1,000 kaya agad itong inaresto ng mga operatiba.
Sa pagkapkap sa suspek, nakuha rito ang iba pang shabu na may street value na aabot sa P60,000, at pera na di umano'y kita ng suspek sa pagbebenta ng iligal na droga.
Sa panayam sa suspek ng mga mamahayag, inamin nito na sakanya ang mga nakuhang shabu at mga kasamahang truck driver lang umano ang kanyang pinagbebentahan.
"Pagnagmamaneho po, gumagamit po. Pag medyo inaantok na saka na ako gagamit," maikling pahayag ng suspek sa media.
Nakakulong na ngayon ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



