DAR-MIMAROPA launches CLAAP in Tablas Island

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Inilunsad nitong March 06 sa bayan ng Odiongan, Romblon ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang kanilang bagong proyektong tinawag na CLAAP o Convergence on Livelihood Assistance for Agrarian Reform Beneficiaries Project sa Romblon.

Ang nasabing proyekto ay may layuning makapagbigay tulong sa 388 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa probinsya ng Romblon.

Maliban sa DAR, nakipagtulungan rin sa kanila ang Department of Social Welfare and Development para mabuo, at mapundohan ang nasabing proyekto.

Ayon kay DAR Undersecretary Karl S. Bello, ang ilang serbisyong mapapakinabangan ng mga ARB sa CLAAP ay ang pagkakaroon ng mga technical assistance gaya ng mga pagsasanay, , paggabay at mentoring sa pangangasiwa ng isang samahan at paggawad ng mga kapital para suportahan ang mga pagpapatakbo at pagpapalawak ng operasyon ng samahan.

Pangunahing layunin ng CLAAP ay mapataas ang kita ng mga maralitang ARB nang hanggang 15 porsiyento sa loob ng limang taon pagkatapos ng proyekto.

Dumalo at pumirma sa memorandum of agreement ang DAR personnel at ang 13 ARBO (ARB Organizations) mula sa mga bayan ng Odiongan, San Agustin, San Andres, Ferrol, Sta. Fe, Alcantara, Looc at Santa Maria.

Malaki namang pasasalamat ng ilang Agrarian Reform Beneficiaries na nakausap ng Romblon News Network sa nasabing proyekto. Ayon kay Paul Moscoso mula sa Calatrava, malaking tulong sa kanila ang proyektong ito lalo sa katulad nilang maliit lang ang kapital sa produksyon ng walis tambo.

Maliban kay Atty. Bello, dumalo rin sa launching sina DAR-MIMAROPA Regional Director Eugene P. Follante, Romblon Governor Eduardo Firmalo, SP Member Felix Ylagan, at Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic na nagsilbing saksi sa pagpirma ng memorandum of agreement.