RSU eyes August as start of classes

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Posibleng simula sa school year 2019-2020 ay ipatupad na sa lahat ng campuses ng Romblon State University ang inaayos nilang calendar year kung saan magsisimula ang klase ng mga estudyante ay ngayong August 2019 sa halip na June 2019.

Ito ang pahayag ni Dr. Elvin F. Gaac, Vice President for Adademic Affairs ng RSU, nang makausap ng pahayagang ito matapos ang isinagawang public forum kaugnay sa pagpapalit ng calendar year nitong Biyernes, February 15, sa Audio Visual Room ng RSU Main Campus.

Sinabi ni Gaac na halos 'on the go' na ang pagpapalit ng calendar year ng Romblon State University ngayong taon, at inaayos nalang nila ang mga requirements para payagan ng Board of Regents.

Malaking tulong umano ang pagpapalit ng school opening ng unibersidad lalo na sa mga estudyanteng gustong maging exchange student sa ibang bansa, o di kaya sa mga estudyanteng papasok ng RSU galing sa ibang paaralan na August ang simula ng calendar year.

"Hindi na nila kailangang mag-antay ng halos ilang taon kung balak nilang mag-transfer sa RSU dahil pareho na tayo ng calendar year sa kanila," paliwanag ni Dr. Gaac.

Kung sakaling ipatupad ito ngayong darating na August, inaasahang matatapos ang 1st semester ng klase sa December, habang magsisimula naman ang second semester sa January at magtatapos ng May.

Naglabas naman ng hinaing ang ilang dumalo sa public forum kaugnay sa domino effect ng pagdami ng tao sa Odiongan sa buwan ng April at May kung saan summer. Posible umanong kapusin ang water supply sa Odiongan dahil sasabay ang pagdagsa ng mga bakasyunista, at ng mga mag-aaral.