
Ilang sugat ang kailangang tahiin ng Doctor sa 69-anyos na Lolo na ito matapos pagtatagain ng sarili nitong anak sa Barangay Libertad, Odiongan, Romblon nitong hapon ng Martes, November 27.
Kinilala ang biktima na si Wilfredo Fontabla Fabello, residente ng nasabing barangay, habang ang lango sa alak niyang anak ay kinilalang si Lowel, 41-anyos, walang trabaho.
Kwento ng matandang Fabello, bandang alas-2 ng hapon, nakipagtalo umano sakanya si Lowel matapos hindi nito magustuhan ang ginawang pagbenta ng matanda sa mga na-copra nitong niyog.
Dahil lango umano sa alak si Lowel, kumuha umano ito ng bareta at akma sanang uundayan sana ng palo ang matanda kaya kumuha ang huli ng bolo ngunit hindi nagpaawat ang nakababatang Fabello at kumuha rin ng kanyang 'sanggot' o scythe at dito na sinimulan ng habulin ng taga si Wilfredo.
Nagtamo ng taga sa kamay, balikat, at batok ang biktima matapos undayan ng suspek. Nakaganti rin si Wilfredo kaya tinamaan rin ng bolo ang suspek ngunit mababaw lang umano ito.
Kwento pa ng nakatatandang Fabello, tumigil lang ang suspek ng akalain nitong wala na siyang buhay matapos itong humandusay.
Agad naman umano siyang tinulungan ng kanyang asawa at ng mga kapitbahay at isinugod sa Romblon Provincial Hospital para ipagamot. Isinugod rin sa ospital si Fabello ngunit dinala rin sa Odiongan Municipal Police Station matapos matingnan ng doctor ang sugat.
Nagpapagaling na ngayon ang matandang Fabello sa ospital at sinabing hindi na umano siya magsasampa ng kaso laban sa batang Fabello dahil kadugo niya umano ito at posibleng rin umanong lango lang ito sa alak kaya nagawa ang pananaga.
Walang pahayag ang suspek dahil hindi pa ito makausap ng maayos.



