Minimum wage hike sa Romblon, ipatutupad ng DOLE sa Nobyembre 27

Written by Dinnes Manzo

Simula sa ika-27 ng Nobyembre ay ipatutupad na ng Department of Labor and Employment (DOLE) dito sa lalawigan ng Romblon ang minimum wage hike sa Mimaropa na inapbrubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).

Matatandaan na ang nasabing wage hike ay sa Mimaropa region ay inanunsyo ni DOLE Secretary Silvestre Bello III sa isang press briefing noong ika-5 ng Nobyembre batay sa Wage Order No. RB-Mimaropa-09 na inaprubahan ng RTWPB noong nakaraang buwan sa Lungsod ng Calapan.

Sa Kapihan sa PIA ay sinabi ni DOLE Romblon Provincial Director Carl Villaflores na noong Agosto 23 ay nagsagawa ang DOLE at RTWPB ng consultation at public hearing sa bayan ng Odiongan upang dinggin ang panig ng mga employer at iba pang stakeholders ukol sa hinihinging umento sa sahod ng mga manggagawa.

Batay aniya sa bagong minimum wage na ipaiiral nila ngayong ika-27 ng Nobyembre, ang mga employer na may 10-pababang empleyado ay dapat magbigay ng P283/araw minimum wage at PhP 320/araw naman ang dapat ibigay kung ang employer ay may 10-pataas na mga empleyado mula sa dating P271-P300/araw na minimum wage.

Nilinaw din ni Villaflores sa lokal na mamamahayag na hindi sakop sa dagdag-sahod na ito ang mga contractual o job order employees na nagtatrabaho sa mga tanggapan ng gobyerno kundi yaong mga regular employees at laborers lamang ng pribadong kumpanya.

Ang bagong wage adjustment aniya ay 15 araw na ipa-publish sa mga pahayagan bago ito tuluyang ipatutupad sa lahat ng lalawigang sakop ng rehiyong Mimaropa.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)