
Nasawi dahil sa sakit na dengue ang isang siyam na taong gulang na bata sa Odiongan, Romblon nitong umaga ng Huwebes, August 23.
Kinilala ang nasawi na si Dona Marie Sarito, grade 4 student, tubong Sta. Fe at pansamantalang naninirahan kasama ang pamilya sa Liwayway, Odiongan.
Ayon sa kamag-anak ng biktma, ilang araw na raw itong nasa ospital bago bawian ng buhay mag-aalas 7 ng umaga kanina.
Inalala ng kanyang mga kamag-anak si Dona Marie bilang isang makulit at bibong bata bago siya tamaan ng sakit.
Ang bata ay posibleng ika-apat na sa bilang ng mga nasawi dahil sa sakit na dengue sa lalawigan ng Romblon nitong 2018 at ika-tatlo naman sa bilang ng mga nasawi para lamang buwan ng Agosto kung ito ay makumpirma ng Provincial Health Office at ng Department of Health - Romblon.
Nito lamang Lunes, nanindigan ang Provincial Health Office na walang dengue outbreak sa kahit isang bayan sa lalawigan ng Romblon kahit na kapansin-pansing tumaas umano ang kaso ng dengue sa lalawigan ngayong taon.
Ayon kay Dra. Ederlina Aguirre, kailangan pang mag-imbestiga ng mga tauhan ng Provincial Health Office at ng Department of Health - Romblon para makonsidera na may dengue outbreak sa mga bayan na may mga kaso na ng dengue.
Sinabi rin ni Dra. Aguirre na Odiongan ang may pinakamataas na naitalang kaso ng pasyenteng tinamaan ng dengue virus mula January hanggang Agosto.



