Bagong gawang kalsada, bumigay; sarado muna sa mga motorista

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Courtesy: Christopher Tayco GaculaCourtesy: Christopher Tayco Gacula

Sarado muna para sa lahat ng uri ng sasakyan ang Anahao-Malilico-Recto-Looc Road matapos na bumigay ang halos katatapos lang na gawang kalsada sa Barangay Malilico sa bayan ng Odiongan.

Bumigay ang nasabing kalsada kaninang umaga kasabay ng naranasang pag-uulan sa lugar dulot ng Southwest Monsoon o hanging Habagat na pinalakas ng bagyong nasa Northern Luzon.

Agad namang dumating sa lugar ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para linisin ang nasabing kalsada at masigurong madadaanan ito ulit ng mga motorista.

Ayon kay Mayor Trina Firmalo-Fabic, maaring gawin munang alternate route ng mga biyahero ang Buenavista-Ferrol-Anahao Road o ang Looc-Limon-Tuguis Road.

Sinusubukang kunan ng pahayag ng Romblon News Network ang Arky Construction and Supply na contractor ng nasabing kalsada.