Lahat ng paraan para malutas ang kaso ni Rezin, ginagawa umano ng awtoridad

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

by Paul Jaysent Fos, RomblonNews | Friday, 28 August, 2015

Labing isang araw matapos ang madugong krimen na nangyari sa boarding house sa loob ng Romblon State University Main Campus sa Odiongan, Romblon, wala paring resulta ang imbestigasyon ng awtoridad.

Ayon kay Police Senior Inspector Alvimar Flores hepe ng Odiongan Municipal Police Station, lahat umano ng paraan para malutas ang kaso ay kanila ng ginagawa. Hindi umano masasabi kung kelan at gaano katagal o kabilis malulutas ang kaso.

Sinabi rin nitong umaasa sila sa mga resulta ng DNA Testing na isinagawa nila at sa maaring maging testimonya pa ng pinsan ni Galicha na nakasaksi sa krimen.

“Yung resulta pa lang ng DNA ay 1 month na yung pinakamabilis sa Camp Crame.”, ayon sa text message na pinadala ni PSInsp. Flores sa Romblon News.

Ayon kay PSInsp. Flores, dinala na nila sa PNP Crime Lab sa Camp Crame lahat ng specimens na idadaan sa DNA Testing.

Sinagot rin ni PSInsp. Flores ang pahayag ng kampo ng witness kaugnay sa umanoy hindi nila sinunod ang protocol sa pag-iimbestiga sa kaso.

“Yung sinasabi niyang dapat may abogado at DSWD ay para yun sa custodial investigation at rights ng suspects. Eh nong mga araw na yun ay interview yun at hindi yun custodial investigation.” ayon kay PSInsp. Flores.

“Noong isinama nila (si) Atty. Fortunato, kasama naman noong witness ang kanyang tatay niya at isinama siya as witness hindi bilang suspect.” dagdag pa ni PSInsp. Flores.

Sinabi rin ni PSInsp. Flores sa Romblon News na dapat maging masaya pa nga ang kampo ng witness dahil madaming tumutulong sa kanila.