
Labingsiyam na bangkang de motor at mga lambat ang ipinamahagi kamakailan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) - Mimaropa sa mga benepisyaryong mangingisda sa bayan ng Odiongan.
Ang pamamahagi ng libreng kagamitang pangisda ay pinangunahan ni Mayor Trina Firmalo-Fabic kung saan ang mga mapalad na nabigyan nito ay mula sa walong coastal barangay ng Odiongan, Romblon na kinabibilangan ng Barangay Canduyong, Barangay Budiong, Barangay Poctoy, Barangay Batiano, Barangay Gabawan, Barangay Tumingad, Barangay Libertad at Barangay Panique.
Ayon kay Mayor Fabic ang kanyang bayang pinamumunuan ang kauna-unahang munisipyo sa lalawigan ng Romblon na nabiyayaan ng mga bangkang de motor galing sa tanggapan ng BFAR Mimaropa.
Ang mga bangkang demotor na kakabitan na lang ng katig ay makatutulong sa mga mangingisda dahil sa pamamagitan nito ay makagpapalaot na sila at maihulog ang mga lambat para may mapagkakitaan sa araw-araw.
