by Paul Jaysent Fos, RomblonNews | Sunday, 23 August, 2015

Ibinunyag ng isang impormante sa Romblon News na ang dahilan ng paghingi ng tulong sa isang private lawyer at sa opisina ng DSWD ng pinsan at witness sa pagpatay kay Rezin Galicha ay ang agresibong galaw ng mga awtoridad na humahawak sa kaso.
Ayon sa impormante, bukal sa loob ng witness ang ginagawng pakikipag-tulungan sa kapulisan, katunayan nga raw malayang sumama ang witness sa Romblon Provincial Hospital para pagbigyan ang hiling ng kapulisan na kuhaan siya ng blood sample.
Malaya ring sumama ang witness sa isinagawang reenactment ng mga imbestigador sa boarding house kung saan nangyari ang krimen.
Ayon pa nga sa impormante, sinabi rin ng witness na kahit anong test pa ang gawin sakanya, willing siyang sumama.
Nagbago lang umano ito ng dumating sa puntong sinabihan siya ng isa sa mga tumutulong mag-imbestiga sa kaso, na umamin nang pinatay niya ang pinsan niya.
Pakiramdam umano ng pamilya, dinidiin na siya ng awtoridad na siya ang suspek sa krimen.
“Syempre ibang usapan na yung dinidiin na sya kailangan na ng abogado”, pahayag ng impormante sa Romblon News.
Agad namang dumepensa ang kapulisan tungkol sa pangyayari, bahagi umano yun ng diskarte ng mga imbestigador.
“Kasama yun sa imbestigasyon eh. Para tumapang siya, ganun ang style jan”, ayon kay SPO2 Arnel Pedrgosa.
“Bata yun eh, hindi mo naman pwedeng harasin yun”, dagdag pa ni SPO2 Pedragosa.
Ayon kay SPO2 Pedragosa, nakikipagtulungan naman ang witness ngunit malaki ang epekto sa imbestigasyon ng awtoridad ang hiling ng pamilya na pwede silang mag tanong sa witness pero dapat nasa harapan ng kanilang abogado at ng DSWD.
Nitong nakarang araw naman, nag-file ng reklamo ang pamilya ng witness sa Odiongan Municipal Police Station laban kay Police Senior Inspector Alvimar Flores, hepe ng kapulisan sa Odiongan at kay Atty. Erwin Fortunato na tumutulong sa imbestigasyon.
Ayon kay SPO2 Arnel Pedragosa sa hiwalay na pakikipagpanayam ng Romblon News nitong Sabado ng gabi, sinabi niyang nag file ng blotter ang tatay ng witness dahil umano sa pagpisil-pisil sa sugat ng anak ng mga inereklamo.
Sa isang text message naman na ipinadala sa Romblon News ng isa sa mga kapamilya ni Rezin Galicha at ng pinsan niya, sinabi nitong nagluluksa ang kanilang pamilya at nanawagang antayin nalang ang autopsy report. Dagdag pa niya, alam niyang mapapagtagumpayan nila ang dagok na nangyari sa kanilang pamilya.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Task Force KIWKIW kaugnay sa madugong krimen.



