by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Sunday, 09 August 2015
Magsasagawa ng libreng National TVET (Technical Vocational Education and Training) competency assessment at certification (NATCAC) ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa buwan ng Agosto at Nobyembre sa lalawigan ng Romblon.
Sinabi ni Rochelle B. Zulueta, Technical Education and Skills Development Specialist ng TESDA Romblon na ang competency assessment sa ilalim ng National TVET Competency Assessment and Certification (NATCAC) Program ay tatlong beses isinasagawa kada taon.
Ang competency assessment and certification na gagawin sa probinsiya ng Romblon ay gaganapin sa sumusunod na mga lugar: Alcantara National Trade School (ANTS), Montfort Academy, Saint Augustine Institute of New Technology-Romblon Inc. (SAINTRI) at Lucky 8 Technical and Training Center para sa mga worker na ibig maging skills certified. Ito ay kanilang magagamit sa pag-aaplay ng trabaho saan mang bahagi ng Pilipinas at maging sa ibayong bansa.
Noong buwan ng Mayo ay nagsagawa na rin aniya ng NATC ang TESDA sa mga nabanggit na trade school at training center at ito umano ay muling isasagawa sa Agosto 10 - 12 at Nobyembre 9 - 12 ng taong kasalukuyan.
Ito ay bukas para sa mga manggagawang nais sumailalim sa competency assessment at gustong magkaroon ng National Certification (NC) batay sa kanilang field of specialization gaya ng mga sumusunod: Driving NC II, Food and Beverages Services NC II, Bread and Pastry Production NC II, Carpentry NC II, Dressmaking NC II, Electrical Installation and Maintenance NC II, Food Processing NC II, Front Office Services NC II, Motorcycle/Small Engine Servicing NC II, Refrigeration and Air Condition Servicing NC II at Shielded Metal Arc Welding NC II.
Para sa karagdagang impormasyon at iba pang katanungan, maaaring sumadya sa TESDA Romblon Provincial Office na matatagpuan sa Ground floor, Servañes Building, Bgy. Liwayway, Odiongan, Romblon o tumawag sa mga numerong: ((042) 567-511609, 0935-9223585 at 0919-4167544.
