
Pinaalis at pinapapalitan ng ilang empleyado ng Romblon Provincial Hospital ang kasalukuyang hepe nito na si Dr. Benedict Anatalio.
Sa nakuha ng Romblon News Network na petition letter na naka-address kay Vice Governor Otik Riano, nakasaad dito na maraming nagawa si Dr. Anatalio sa mga empleyado katulad ng di umano'y pang-aaboso ng kanyang katungkulan, pagiging hindi professional sa trabaho, at ang pag cover-up sa ilang aksidente sa nasabing ospital.
Ang nasabing petition letter ay pirmado ng aabot sa 29 na empleyado at 3 doctor ng Romblon Provincial Hospital.
Isinaad sa petisyon na di umano ay ang madalas na paggamit ni Dr. Anatalio sa ambulansya o di kaya ang ibang sasakyan ng gobyerno sa mga personal nitong lakad.
Sa isa pang bahagi ng petisyon letter, nakwento rito na noong ika-30 ng Marso ng kasalukuyang taon, ginamit umano ni Dr. Anatalio ang ambulansya para makadalo sa isang fiesta sa bayan ng San Andres. Nagpumilit umano ang hepe ng hospital na gamitin ang ambulansya kahit hindi pinayagan ng naka-duty na doctor na si Dr. Noralee Fetalvero na dalhin ito sa kadahilanang nag-iisa ang ambulansya sa panahong iyon.
Noong araw ring iyon, di umano'y may pasyenteng residente ng Barangay Panique, Odiongan ang gagamit sana ng ambulansya at kailangang ilipat ng Ospital ngunit wala umanong magamit dahil dala ng hepe ng Ospital sa isang kasiyahan sa bayan ng San Andres.
Nakasaad rin sa petisyon na nakaranas rin umano ng maanghang na salita ang ilang empleyado ng Romblon Provincial Hospital sa kasalukuyang hepe na si Dr. Anatalio kagaya na lamang ni Ms. Darlene Fradejas na di umano'y sinabihan siyang "Ta**a ka!" dahil lang sa sirang aircon.
Hiniling din ng mga nagpetisyon na pagbawlan si Dr. Anatalio na makatapak ng lalawigan ng Romblon dahil naman umano ito sa mga binitiwang mga salita ng hepe sa ilang mga nurses ng nasabing Ospital.
"Kayo talagang mga Romblomanon ang titigas ng mga ulo niyo," pahayag umano ni Dr. Anatalio sa isang nurse base sa petisyon leter.
Dr. Anatalio, itinanggi ang mga paratang
Itinanggi naman ni Dr. Benedict Anatalio ang mga nakasaad na paratang sa kanya sa nasabing petisyon.
Ayon ka Dr. Anatalio ng makausap ng Romblon News Network, social responsibility niya bilang hepe ng Romblon Provincial Hospital ang makipag-usap sa mga tao sa tuwing may fiesta, o di kaya sa isang alkalde ng isang bayan kung may pagdiriwang.
"Hepe ako ng Ospital na ito, kaya allowed akong gamitin ang mga sasakyan," pahayag ni Dr. Anatalio.
Hindi rin umano totoo ang paratang sa kanya na noong pumunta siya ng San Andres ay walang magamit na ambulansya.
"Kung walang ambulansya noong time na yun, dapat malalaman ko, pwede namang pabalikin ang ambulansya sa Ospital pagkahatid sa akin diba? May cellphone na ngayon," ayon sa hepe.
Sa kabilang banda, inamin ng hepe na minsan may mga napapagalitan siyang mga empleyado ng Ospital o di kaya mga nurses.
"It's a matter of life and death, kung naabutan mo ang isang nurse na may kapabayaan sa isang pasyente? Hindi ka ba magagalit?" ayon sa Doctor.
"Halimba nalang, may pasyente na gabi pa dinala sa ospital tapos pagbalik ko kinabukasan maabutan ko na hindi pa naasikaso, pero may mga naka-duty namang nurse. Hindi ka ba magagalit? Ganun ang management style ko," dagdag pa ng Doctor.
Saan nagsimula ang petisyon?
Ayon sa dalawang panig, nagsimula ang petition letter ng ipaabot ni Dr. Benedict Anatalio kay Governor Eduardo Firmalo ang mga reklamo ng ilang pasyente laban kay Dra. Jackie Dimaala at ang umano'y conflict of interest ng kanyang trabaho sa RPH at ng kanyang sariling Hospital na Isiah Medical Hospital.
"Ayaw kong manira dito ng kapwa, ang gusto ko lang ay fair. Hindi ako lalaban sa kanila sa ibang paraan kung di sa ligal bases lang," pahayag ng hepe ng tanungin kung anong mga susunod niyang hakbang kaugnay sa nasabing petisyon.
Itinanggi rin ang nasabing paratang ng asawa ng doctora na si Odiongan SB Diven Dimaala.
Future of Romblon Provincial Hospital
Sa panahon ni Dr. Anatalio nagkaroon ng magagandang gamit ang RPH, katulad ng CT Scan, pagkakaroon ng opisina ng PCSO, pagtaas ng reimbursement ng Philhealth sa RPH, pagkakaroon ng Newborn Hearing Screening Test at iba pa.
Ayon sa Dr. hindi umano nakikita nila ang maganda niyang nagawa sa RPH magmula ng dumating siya rito noong 2013.
"We are trying to improve the whole system of the province. If their is changes, siyempre may masasagasaan talaga yan." ayon kay Anatalio.
"Ako ang gusto ko ay sana lahat ng serbisyo maging available na dito imbes na ang pasyente natin ang dadalhin natin sa Manila, ang Manila ang dadalhin natin sa Romblon," panghuling salita ng Doctor.



