Sustainable livelihood workshop para sa mga minero, isasagawa sa Romblon

Written by Dinnes Manzo

by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Sunday, 26 July 2015

Nakatakdang balangkasin sa mga small scale miners sa bayan ng Magdiwang ang kauna-unahang grassroot participatory workshop on sustainable livelihood sa Hulyo 31, taglay ang paksang “Sa Dulangan, Ano pa nga mga Klase nga Bulawan ang Puydi pa Pagkakitaan?".

Ang hakbang na ito ng pamahalaang lokal ay naglalayong mapagkalooban ng alternatibong pagkakakitaan ang mga taga-Dulangan, Magdiwang na hindi nakakaapekto o nakakasira ng kalikasan.

Isa itong magandang rekomendasyon ng Disaster Risk Reduction and Management Council ng LGU Magdiwang upang magkaroon ng workshop at maayos na pagpaplano para sa small scale mining community ng Bgy. Dulangan upang mapagkalooban ng sustainable livelihoods ang mga ito.

Matatandaan na ilang katao na ang nagbuwis ng buhay dahil sa pagguho ng lupa sa ilegal na minahan ng mga residente sa naturang lugar.

Inaasahan ng pamahalaang bayan ng Magdiwang na tuluyan ng iiwanan ng mga mamamayan ang pagbubungkal ng lupa at buhangin upang makahanap ng ginto ngunit nakakaapekto sa kalikasan maging sa kanilang kalusugan kung kaya mahigpit na itong ipinagbabawal at itinuturing na ilegal ng lokal na pamahalaan.