Looc Bay Marine Refuge And Sanctuary bukas na muli para sa mga lokal na turista

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Binuksan na sa publiko ng lokal na pamahalaan ng Looc, Romblon ang sikat nilang pasyalan na Looc Bay Marine Refuge And Sanctuary.

Ito ay matapos isarado ng mahigit dalawang buwan dahil sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine dahil parin sa coronavirus disease 2019 o Covid-19.

Inanunsyo ito ni mayor Lisette Arboleda ng bayan ng Looc sa pamamagitan ng kanyang social media account noong nakalipas na Sabado.

Aniya, muli ng tumatanggap ng mga lokal na tuista ang kanilang bayan lalo na ang sikat na fish sanctuary.

Bagamat bukas na, hindi maaring magsabay-sabay ang grupo ng mga turistang maaring pumasok sa sanctuary upang masunod parin ang pagpapatupad ng physical distancing sa mga hindi magkakamag-anak sa lugar.

Nitong weekend rin ay ilang magkakamag-anak at magbabarkada na ang nagsimula ng mamasyal sa sanctuary.

Matatandaang, sa ilalim ng modified general community quarantine ay pinapayagan na ang mga tourist spots na magbukas.