Photo Courtesy: MDRRMO Looc
Dead on arrival sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa Looc, Romblon ang isang grade 1 pupil matapos itong madaganan ng mga nakatambak na troso habang naglalaro sa labas ng kanyang school nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Allan Santiago Jr., 7 taong gulang, estudyante ng Manhac Elementary School sa Barangay Manhac, Looc, Romblon.
Ayon sa mga saksi, humingi ng tulong ang mga kalaro ng bata matapos umanong madaganan ng mga troso na nakatambak sa gilid ng kalsada habang naglalaro sila bandang alas 2:30 ngayong hapon.
Nagtamo ng malubhang sugat sa ulo si Santiago na naging dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang pangyayari at kung bakit nasa labas ng campus ang bata sa oras ng klase.



