Binatilyong nag-amok sa Looc, sinapian umano ng masamang elemento

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

by Paul Jaysent Fos, RomblonNews | Wednesday, 26 August, 2015

Isang binatilyo ang nag-amok pasado alas-6 ngayong gabi sa Barangay Poblacion, Looc, Romblon.

Ayon sa mga residente ng lugar, nagtatakbo umano ang nasabing binatilyo dala-dala ang isang kutsilyo at nanghahabol ng mga taong naglalakad sa lugar.

Agad namang pinatawag ng mga residente ang mga kapulisan ng Looc upang bigyang pansin ang pangyayari.

Ang nasabing binatilyo ay dalawang araw nang nagwawala kapag gabi sa tinitirhang bahay sa nasabing bayan.

Ayon sa mga residente, may mag-asawa diumanong sumasapi sa binatilyo kapag sumasapit ang alas-6 hanggang alas-8 ng gabi.

Nitong Martes, nagpatawag pa ng isang pastor ang pamilya ng lalake upang ipag-pray over ang nasabing binatilyo.

Ilang mga residente naman ang nag mungkahing ipa-drugtest ang binatilyo upang tingnan rin ang anggulo ng paggamit ng ipinag-babawal na gamot.

Pansamantala namang dinala ang binatilyo sa Looc Municipal Police Station upang doon ay mabantayan ang mga galaw nito.