by Paul Jaysent Fos, RomblonNews | Tuesday, 25 August, 2015

Nahuli ng pinagsamang lakas ng Looc Municipal Police Station at ng mga tauhan ng Romblon Provincial Police Office sa bayan ng Looc, Romblon pasado alas-9 ng umaga ngayong araw ang lalakeng may kasong rape at sexual abuse sa IloIlo City.
Nakilala ang wanted person na si Felipe Feranco, 47 taong gulang at nakatira sa Barangay Limon Norte, Looc, Romblon.
Ayon kay SPO2 Allan Fruelda, hinuli nila si Feranco sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng RTC Branch 66 sa Barotac Viejo, IloIlo City.
Ayon pa sa kwento ni SPO2 Fruelda, hinalay di-umano ng suspek ang anak ng kanyang pinsan noong 2013.
Si Feranco ay nakulong na noon sa New Bilibid Prison ngunit nabigyan ng parol kaya nakalaya. Inamin niya rin sa Romblon News na miyembro siya ng "Happy Go Lucky Gang" sa New Bilibid.
Kasalukuyang nasa Looc Municipal Police Station si Feranco at inaasahang dadalhin sa IloIlo City upang ilipat ng kustodiya.



