
Wala umanong nakaranas ng pagsasakit ng tiyan at pagsusuka sa 1,026 na mga bata sa Looc, Romblon na nakatanggap ng libreng gamot pampurga sa unang araw ng "Oplan Goodbye Bulate" sa Romblon, ayon sa Department of Health - MIMAROPA.
Ayon kay DOH Regional Director Eduardo C. Janairo, na pinangunahan ang paglunsan ng program sa Looc Central Elementary School nitong Miyerkules, na-monitor nila ang mga bata at wala kahit isa sa kanilang nakaranas ng side effect ng nasabing gamot.
"Mahalaga ang kumain muna bago uminum ng mga gamot, dahil madalas marong side effect ang gamot kapag gutom", ayon kay Janairo.
Ang pahayag ni Janairo ay kasunod ng balitang umabot ng halos 4,000 na estudyante ng Zamboanga del Norte ang isinugod sa Hospital matapos makaramdam ng pananakit ng tiyan pagkatapos uminum ng gamot pampurga na ipinamahagi ng Department of Health.
Ayon naman sa Department of Health Regional Office, umabot ng 46,161 na estudyante sa buong lalawigan ng Romblon ang nahandugan ng libreng gamot pampurga, umabot naman sa 32,924 sa Marinduque; 152,062 sa Palawan; 26,625 sa Mindoro Occidental; 71,200 sa Mindoro Oriental; 16,462 sa Puerto Princesa City; at 4,487 sa Calapan City.
Ayon sa Department of Health, ang total na bilang na 348,921 ay 72% lamang ng kanilang target sa Region 4B.



