
Sugatan ang mag-amang Aparicio matapos sumimplang ang sinasakyang motorsiklo bandang ala-una ng hapon ngayong araw ng Pasko sa Barangay Bunsuran, Ferrol, Romblon.
Ayon sa mga saksi, nadulas at na-slide ang motorsiklo na minamaneho ng Tatay na si Mark Jerhom dahil sa madulas ng kalsada sanhi ng mga buhangin na kumalat mula sa isang stock pile.
Agad na isinugod sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan, Romblon si Mark Jerhom, at ang kanyang angkas na asawa na si Jamaica, at ang kanilang 3-year old na anak na lalaki.
Nagtamo sila ng gasgas at sugat mula sa paa, kamay at mukha ang mag-anak na ngayon ay nagpapagaling na sa ospital.
Papunta sana ang pamilya sa bayan ng Odiongan mula Ferrol para sana dumalo sa Christmas gathering ng kanilang buong pamilya ng sila ay maaksidente.



