
Isang residente ng Ferrol, Romblon ang inirereklamo ng Physical Injury sa awtoridad matapos manulak di umano ng isang Australian National sa Sitio Binucot sa Barangay Bunsora nitong hapon ng December 26.
Sa report ng Ferrol Municipal Police Station na nakarating sa Romblon Police Provincial Office, kinilala nila ang inirereklamo na si Ernest Aungon habang ang nagreklamo naman ay si Wilhelm Baumeister, 68-taong gulang, at isang businessman.
Sa imbestigasyon ng otoridad, nagsimula ang pagtatalo ng dalawa ng paulit-ulit na bumisina si Baumeister ng kanyang sasakyan matapos tumigil ang sinusundan niyang van para sana batiin si Aungon.
Lumapit si Aungon kay Baumeister at kinumprunta ito hanggang sa magtalo ang dalawa at mag dirty finger si Baumeister.
Ayon pa sa pulisya, habang nagkakasagutan ay bigla umanong tinulak ni Aungon ang mukha ni Baumeister. Naawat naman agad ang mga sangkot.
Inihahanda na umano ng pulisya ang kasong Physical Injury laban kay Aungon.



