by Dennis Evora, RomblonNews | Saturday, July 25, 2015

Nag-ikot at bumisita ngayong araw ang pamunuan ng Concepcion Municipal Police, sa pangunguna ni Police Inspector Orlando Silla, sa mga barangay ng Concepcion bilang bahagi nang kanilang regular na pagtugon sa ipinalabas na mandatu ng lokal na pamahalaan para masigurong maayos at mahigpit na naipapatupad ng mga opisyal ng barangay ang ordinansang nagbabawal sa mga aso na malayang nakakalabas ng bahay at nakakagala sa mga kalsada at iba pang pangpublikong lugar.
Matatandaang nauna nang nagpalabas ng kautusan ang lokal na pamahalaan ng Sibale Island sa paghuli ng mga gumagalang aso makaraan ang sunod-sunod na pagkakadiskubre ng mga namamatay na kambing sa ibat-ibang bahagi ng bayan, na ayon mismo sa mga resulta ng mga imbistigasyon na ginawa ay lumalabas na kagagawan ng mga gumagala at mga walang may-ari na mga aso.
Muli ring pinaalalahanan ang mga opisyal ng barangay at mga residente na magkaisa at maging alerto sa mga posible pang pag-atake ng mga hinihinalang ligaw na aso sa kanilang mga alagang hayop.
Umaasa naman ang mga opisyal ng barangay at mga residente lalo na ang may mga alagang hayop na sa ganitong paraan, ay tuluyan nang matigil ang mga pag-atake at pag patay sa kanilang mga alaga, at muling manumbalik ang kapanatagan ng bawat isa.
