
Bilang bahagi ng Indigenous Peoples’ (IP) Month celebration ng lalawigan ng Romblon ngayong taon, nagsagawa sa bayan ng Calatrava sa Tablas Island, Romblon ng isang pulong-ugnayan na dinaluhan ng mga IP at mga kinatawan ng iba't ibang National Government Agencies.
Inorganisa ito ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Calatrava.
Ayon kay Jay Garcia ng NCIP-Romblon, layunin ng pulong-ugnayan na masagot ang ilang mga tanong na gumagambala sa mga IPs at mga IP leaders sa lalawigan ng Romblon.
Isa sa mga inilapit ng mga IP leaders ay ang matagal na pagbibigay ng social pension ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga senior citizens ng lalawigan.
Ayon sa DSWD, hinihintay nalang nila na maibigay sa kanila ang kompletong listahan ng mga beneficiaries at pagkatapos nito ay sisimula na nilang ipamahagi ang pera na nagkakahalaga ng P6,000.
Inilapit rin ng mga IPs mula sa bayan ng Calatrava ang kakulangan ng kapasidad ng mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para sugpuin ang mga iligal na nangingisda sa mga municipal waters na sakop ng lalawigan.
Nangako naman si OIC-Provincial Fishery Officer Luisito Manes na aaksyunan nila ang nasabing problema at inanunsyo ang pagdating ng barko ng isang malaking barko ng BFAR para magbantay sa karagatan ng Romblon.
Maliban sa mga kinatawan ng BFAR at DSWD, dumalo rin sa pulong-ugnayan ang mga kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources, Department of Agriculture, Department of Science and Technology, at Department of Health.



