Sampung sakay ng lumubog na bangka sa Masbate, nailigtas sa Sibuyan Sea

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Sampung sakay ng isang bangkang lumubog sa kalagitnaa ng biyahe mula San Pascual, Burias Island, Masbate papuntang Mandaon, Masbate ang nailigtas ng mga rescuers mula Cajidiocan, Romblon sa Sibuyan Sea nitong hapon ng Linggo.

Ayon sa mga sakay ng bangka, umalis sila ng Burias Island bandang alas-6 kagabi ngunit sa kalagitnaan ng biyahe ay nasiraan umano sila at naabutan ng malakas na alon dahilan para tumaob ang kanilang bangka.

Bandang tanghali kanina ng makita ng mga mangingisda mula Sibuyan Island, Romblon ang 7 kabilang ang 4 na bata na palutang-lutang sa tabi ng kanilang bangka sa Sibuyan Sea.

Sa tulong ng mga tauhan ng Coast Guard Cajidiocan at mga barangay official ng Taguilos at Cambalo, nakita nila ang 3 iba pa na palutang-lutang rin sa Sibuyan Sea bandang alas-3 ng hapon kanina.

Ayon kay Sangguniang Bayan member Marvin Greggy Ramos, ang mga nailigtas ay dinala sa Cajidiocan, Romblon at kung saan sila pansamantalang mananatili habang hinihintay ang kanilang sundo pabalik ng Masbate.

Sinabi rin ni Ramos na binigyan na sila ng pagkain at masusuot na damit ng mga opisyal ng barangay at ng munisipyo.