
Nabawasan ng Doctor ang Sibuyan District Hospital matapos magresign ang dalawa sa mga ito sa pwesto, ayon kay Governor Eduardo Firmalo.
Sa text message ni Firmalo sa Romblon News Network, sinabi nito na nahihirapan ang mga pumapasok na doctor sa mga island hospitals dahil mahirap umano bumiyahe patungo sa mga nasabing lugar.
"Napakahirap maghanap ng Doctors para sa island hospital. Pag nakakita hindi nagtatagal dahil mahirap magbiyahe papunta sa Isla," bahagi ng text message ng Gobernador.
Sa ngayon umano ay tatlo nalang na Doctor meron ang Sibuyan District Hospital pero may isang doctor na nag-apply kay Dr. Ramon Villanueva, Chief of Hospital, pandagdag sa bilang ng mga ito.
Sinabi rin ni Firmalo na sa Romblon District Hospital ay may tatlo na ring umaalis simula noong Marso ngunit last week ay agad silang nakapag-hire ng dalawang pamalit sa mga ito. Sa ngayon, anim na ang Doctor na naka-duty sa nasabing ospital.
Inaanyayahan naman ng Provincial Government ang mga mga doctor na gusto mag apply sa mga ospital sa lalawigan na maari silang magpasa ng resume sa mga chief of hospital ng gusto nilang pasukan.
Matatandaang sinabi noong Hunyo ni Firmalo na naglaan rin ng budget ang Department of Health MIMAROPA para sa Romblon para makatulong sa mga health programs ng probinsya. Ang nasabing budget ang siyang pagkukunan para makadagdag ang probinsya ng 6 na doctor to the barrio, 36 na nurse, 20 public health associate, 17 na rural health midwife, 4 na dentist, 5 medtech, 16 na universal healthcare implementer, at 2 pharmacists; silang lahat ay ikakalat sana sa buong probinsya para makapagbigay ng serbisyong medical sa mga Romblomanon.



