3 Mangingisda, arestado dahil sa paggamit ng Compressor

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News
{googleads center}

Tatlong mangingisda ang timbog matapos maaktuhan ng mga tauhan ng Cajidiocan Municipal Police Station na gumagamit ng ipinagbabawal na air compressor sa pangingisda nitong madaling araw ng Biyernes.

Kinilala ang tatlong suspek na sina Rolly Rase Rabo, 30; Eduardo Maca Aguirre, 22; at Junito Roa Rabo, 27, pawang mga residente ng Cajidiocan, Romblon.

Ayon kay Romblon Police Provincial Office Spokeperson PSInp Ledilyn Ambonan, ala-una kaninang madaling araw nang makita ang tatlong mangingisda ng mga pulis na nagsasagawa ng seaborne patrol sa vicinity ng kanilang area. Maliban sa air compressor, nakuha rin sa mga suspek ang hose, spear gun, flashlight, at 20 kls na isda.

Nakakulong na ang mga suspek sa Cajidiocan Municipal Police Station at inaasahang sasampahan ng kaukulang kaso.

Mahigpit na ipinagbabawal sa bayan ng Cajidiocan ang paggamit ng air compressor bilang breathing apparatus sa tuwing nangingisda sa bisa na rin ng Local Fisheries Code ng bayan.