Ipinagdiwang sa bayan ng Banton, Romblon nitong Lunes, October 7, ang Provincial Indigenous Peoples’ (IP) Month celebration sa lalawigan.
Sa programang inorganisa ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), ipinakita ng mga katutubong Bantoanon ang kanilang kultura sa pamamagitan ng sayaw.
Bago pa man magsimula ang programa, nagkaroon muna ng tribal parade paikot sa bayan na sinundan naman ng isang Pangupong sa Plaza, isang katutubong ritual ng mga Bantoanon.
Sa welcome message ni Mayor Milagros Faderanga, sinabi nito na masaya ang bayan ng Banton na sa kanilang lugar ginanap ang IP Month celebration ngayong taon dahil maipapakita nila ang kanilang kultura sa mga bisita.
Samantala, isang grupo ng mga mag-aaral mula sa Banton National High School ang ipinakita sa publiko ang isang sayaw ng panliligaw ng mga taga-Banton, ang Ando-ando Dance.
Naging bisita sa pagdiriwang sina NCIP-IV legal officer, Atty. Randy Lambino, Congressman Eleandro Madrona, Governor Jose Riano, at ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Dumalo rin sa pagdiriwang ang ilang tribal chieftain mula sa iba't ibang bayan sa Romblon.



