Photo Courtesy: Banton Municipal Police Station
Lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Banton Municipal Police Station at ang Local Government Unit ng Banton nitong July 30 sa lobby ng Municipal Building kaugnay sa Community and Service-Oriented Policing (CSOP) na programa ng National Police Commission (NAPOLCOM).
Pinangunahan ang paglalagda nina Police Senior Inspector Chisi Fadergao, hepe ng Banton MPS, at ni Banton Mayor Joseph Fadri.
Makakatulong rin umano ang CSOP pagdating sa mga problema sa pamayanan. Halimbawa umano nito ay ang problema na minsan ay marinig ng mga pulis, pwede na nila ito iparating sa mga alkalde para masolusyunan.
Nitong Marso, ipinaliwanag ni NAPOLCOM Acting Regional Director for MIMAROPA, Atty. Owen De Luna, sa mga alkalde at mga hepe ng mga kapulisan sa Romblon kung ano ang bago nilang programang CSOP.
"Halimba, may nadapa sa kalsadang ito at may nagreklamo sa mga pulis, magtatanong yung pulis, bakit kaya anong problema dito bakit laging may nadadapapa? Dito na malalaman ng pulis na, 'ah baka may problema itong kalsada, may problema yung kontraktor', sasabihin ngayon ng pulis kay Mayor na 'Mayor, yung kalsada po natin baka pwede patingnan kasi laging may dadapa, may problema ata ang kontraktor'," paliwanag ni Atty. De Luna.
Ang nasabing CSOP System rin ayon sa NAPOLCOM ay magiging crime prevention strategy ng mga law enforcers sa bansa.
Ang aktibidad na ito ay bahagi ng pagdiriwang ng Banton MPS sa 23rd Police Community Relations Month na may temang, “Tapat na Serbisyo at Paglilingkod ng Kapulisan Kaagapay ang Mamamayan, Hatid ay Kaunlaran”.



