APOR galing Batangas, nagpositibo sa Covid-19

Written by Paul Jaysent Fos | Romblon News

Isang Authorized Persons Outside Residence o APOR na bumiyahe mula Batangas patungong Alcantara ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (Covid-19), ayon sa inilabas na pahayag ngayong Miyerkules ng hapon ng Alcantara Rural Health Unit.

Ang nasabing APOR ay nag-alalay sa isang pasyente na dinala ng Batangas noong November 15 at bumalik kinabukasan hanggang sa dumiretsong ni-isolate sa Municipal Quarantine Facility ng bayan.

Asymptomatic naman umano ngayon ang pasyente ayon sa RHU.

Inilipat na rin ito sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital para mas mabantayan at mamonitor sa loob ng 14 na araw.

"Sa ngayon ay na-activate na ang contact tracing team para matukoy ang mga direct contact o mga nakasalamuha at nakasama ng pasyente sa nakaraang dalawang araw," ayon sa pahayag ng Alcantara RHU.

Nanawagan ang Alcantara RHU sa mga nakasalamuha ng nasabing APOR na makipag-ugnayan sa kanila para mas mapadali ang ginagawa nilang contact-tracing.

Dahil umano nito, pansamantala munang hindi papailawin ngayong gabi ang Giant Star at ang Municipal Public Plaza Grounds hanggang sa matapos ang contact tracing.

Kanina ay isa ring pasyente sa Romblon, Romblon ang nagpositibo rin sa virus.

Ito na ang ika-55 at ika-56 kaso ng Covid-19 sa lalawigan, kung saan 15 rito ay active, at 1 naman ang nasawi na.