Bahay, tinupok ng apoy sa Alcantara

Written by Eugene Mayor | Romblon News

Wala ng naisalbang gamit ang pamilya David na nasunugan ng bahay sa Barangay San Roque sa bayan ng Alcantara, Romblon nitong Linggo ng gabi.

Batay sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection, posibleng nagmula ang sunog sa napabayaang gasera na nakapatong sa isang lamesa.

Kwento ng may-ari ng bahay, naputulan sila ng kuryente kaya gumamit sila ng gasera ngunit noong gabi ng Linggo, nakinood sila ng TV sa kapitbahay at hindi nila napatay bago sila umalis. Posible umanong natumba ito ng nakapasok na pusa sa kanilang pamamahay.

Agad namang pinagtulungan ng Bureau of Fire Protection at ng mga volunteers na patayin ang apoy ngunit mabilis umano itong kumalat dahil gawa sa light material ang buong bahay. Wala namang nasaktan sa sunog.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang nasabing sunog.

Samantala, may ilang concerned citizen na ang nag-abot ng kaunting tulong sa pamilya David.