
Nakahanda na rin ang mga bayan na nasa timog na bahagi ng probinsya ng Romblon na malalapit sa mata ng bagyong Usman kung sakaling dumaan ito sa may Panay Island bukas.
Sa bayan ng Alcantara, nagsagawa na ng pagpupulong ngayong hapon ang mga miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) kasama ang mga Barangay Captains ng 12 na Barangays para i-activate ang kanilang operation center.
Sinabi ni Marcelo Reandelar, MDRRMO ng Alcantara, na sinabihan na niya ang mga barangay captains ng mga barangay na prone sa landslide, baha at storm surge na magsagawa ng preemptive evacuation.
Nakahanda na rin umano ang kanilang mga gamit katulad ng mga life jackets, pangluto, at iba pang rescue equipment kasama ang ilang heavy equipment kung sakaling kailanganin.
May mga designated evacuation centers na rin na itinalaga ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council para sa mga posibleng ilikas.
May mga food packs na rin silang naka preposition, at may nakataanbay na ibibigay ang Department of Social Welfare and Development.
Sa ngayon, makulimlim na ang panahong nararanasan sa bayan at may paminsanhang pag-uulan ring nararanasan. Mahina pa ang alon ngunit pinagbawalan na ng Local Government Unit ng Alcantara ang mga mangingisdang pumalaot.
Ang mga bayan ng Alcantara, Santa Fe, at San Jose ang ilan sa mga bayan na posibleng pinakamalapit sa mata ni bagyong Usman kung sakaling nasa Panay Island na ito.



