
Mangagalak sa pagasa; magmatiisin sa kapighatian; magmatiyagain sa pananalangin. -- Romans 12:12
Last year, may ipinadala akong hand-made gift sa isang Pastor na nakilala ko sa Facebook at naging kaibigan ko. Isa siyang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Saudi Arabia at sa pamamagitan ng isang kaibigan na taga Romblon, na umuwi, ay naging paraan para maipadala ko ang aking simpleng gawang kamay.
Kasama ng aking munting regalo ay isang maikling sulat ng pasasalamat. Sa pagmamadali ko ay ang nailagay ko na petsa ng taon ay 2019, hindi ko na 'yun binura o pinalitan, tila isang magandang pangitain o senyales mula kay Lord.
At nitong buwan nga ng Mayo, ay maraming surpresa si Lord sa buhay ko, ang aking mga gawang kamay na gantsilyo ay nakarating na sa malalayo pang bansa hanggang sa makita ng ABS-CBN News at inilathala nila ang aking kwento sa kanilang website. Nasundan pa ito ng isang panayam sa radyo sa pamamagitan ng Radyo La Veredad at napakinggan din sa kanilang Facebook Live.
Hindi pa rito nataps dahil ilang araw palang ang nakakalipas ay tinawagan ako para makapanayam ni Julius Babao, isang kilalang TV at Radio Broadcaster, sa DZMM Teleradyo Lingkod Kapamilya Panalo 'To at ang pinakahuli naman ay nai-feature ang aking istorya sa Mother's Day Special ng Unang Hirit sa GMA Channel 7.
Isang espesyal na araw at pasasalamat kay Sir Paul Jaysent Fos na siya pa mismo ang kumuha ng video at nag-interview na rin sa akin.
Nag-uumapaw ang galak sa aking puso at pasasalamat sa Diyos ng mga araw na iyon.
Noon, anong tuwa na sa akin na nabigyan ako ng pagkakataon ng Romblon News Network na maisulat at maibahagi ko ang kwento ng buhay ko website nila. Dito nagsimula sa column ko na Walk of Faith ang lahat maging ang makilala pa ako ng mga kababayan ko sa buong Romblon at ang mga nasa ibang bansa.
Wala namang kabayaran o anumang kapalit ang lahat, ang makapagbigay ng lakas ng loob, inspirasyon, tapang at munting ngiti sa bawat labi ng mga taong nakakabasa at nakakapanood ng kwento ng buhay ko, ay walang anumang halaga ang sasapat sa kaligayahan na naibibigay sa aking puso. Napakasarap sa pakiramdam ang mga nakakatabang pusong komento, papuri at mga salita na ipinagmamalaki daw nila ako mula sa iba't-ibang tao na hindi ko kilala, mula sa mga kamag-anak ko, kapamilya at mga kaibigan.
Kung tutuusin naman talaga ay ako ang nabibigyan ng inspirasyon. Ako ang nabibigyan ng lakas ng loob at pag-asa. Sa mga ispiritwal na payo at mga salita ng panghihikayat, ay mas lalo akong ginaganahan sa paggawa. Mas lalo akong nabubuhayan ng loob...mas lalo akong tumatapang.
Ang lahat ng ito ay dahil sa walang hanggang kabutihan ng Diyos. Ang kanyang mga kahanga-hangang kaparaanan na ibinibigay para patuloy ko na makayanan ang pagsubok na ito. Ang aking pasasalamat sa mga taong patuloy Niya na ginagamit at ginagawang instrumento para ako'y tulungan, ang aking anak at ang aking pamilya. Patuloy lang ang pagkapit ko sa pag-asa, pagdarasal at pagtitiwala sa Kanya.
Dahil habang naniniwala at nagtitiwala tayo sa ating Dakilang Maylikha at pinapahalagahan natin ang buhay na biyaya mula sa Kanya, kailanman ang pag-asa ay di mawawala. Lagi lang tayong magpasalamat kay Lord sa lahat ng pagpapala na mula sa Kanya, ito man ay maliit o malaki.
