Isang Pagharap sa Bagong Taon nang may Malaking Pagbabago at Patuloy na Pagkapit sa Pag-asa

Written by Che Y. Formilleza

CTTO: www.urbansamurai.comCTTO: www.urbansamurai.com

 Katulad ng aking pinakamamahal na bayan ng Odiongan, ay ang maraming pagbabagong naganap sa buhay ko sa mga nakalipas na mga taon ng pagkakahiga. Para sa akin para makamit ang pag-unlad ng isang tao anuman ang kalagayan niya sa buhay at kinasasadlakang sitwasyon ay nagmumula sa pagtitiwala sa kanyang kakayahan at pagtulong sa sarili na makabangon sa bawat pagdapa na dulot ng mga hamon at pagsubok sa buhay.
 
Pagkalipas nga ng walong taon ay nakaalis ako ng aking kubo sakay ng aking bagong reclining wheelchair na ipinadala at ibinigay pa sa akin mula pa sa Manila ng aking dating butihing employer na si Mam Jen. Sakay ng van ng Laszaji Grill ay naisakay ako at hind man literal ay nakaapak akong muli sa progresibo at maunlad na bayan ng Odiongan. Namangha ako sa malaking pagbabago at ganda ng bayan. Sa gabing madilim ay namasyal ako at walang pag-aalinlangan at takot ang aking naramdaman.
 
Nagsilbing liwanag ang mga ilaw na hatid ng mga gusali at bagong establisyemento na maihahalintulad na sa isang syudad. Mga ilaw ng mga parol at Christmas lights ang dumagdag sa kinang na nasilayan ng aking mga mata ng gabing iyon…petsa 20 ng Disyembre. Naging posible ang lahat dahil sa tulong ng aking mga kaibigan at panghihikayat ng aking pamilya at ng aking anak. Isa ngang di makakalimutang karanasan ang aking nalasap bago matapos ang taong ito at higit sa lahat ay makasama ko ang aking anak na kumain sa Jollibee Odiongan.
 
Ang aking paghanga at pagsaludo sa mga taong nasa likod ng malaking pagbabago at pag-unlad ng bayan ng Odiongan. Lalo na sa ating mahal na Punong Bayan na si Mam Trina Firmalo Fabic. Ang masilayan ko ang lahat ng mga pagbabago ay lalong nagpasabik sa akin na makalakad ulit. Bawat taong dumarating ay ang aking mahigpit na pagkapit lalo sa pag-asa at pagtitiwala kay Lord. Walang pagkapagod at pagmamadali.
 
Walang pagkainip at pagkaubos ng pasensiya. Dahil napakabuti ng Diyos sa aking buhay, sa buhay ng aking anak at ng aking pamilya. Patuloy ang paggamit niya sa mga taong may kabutihang loob at malaki ang puso na tumulong sa amin. Maaaring sa iba na ang sitwasyon ko ay ganoon pa rin at walang pagbabago pero alam ko sa aking sarili na marami na ang nagbago sa akin. Hindi pa man ako nakakabangon ng literal at nakakatayo ay matagal na akong nakabangon sa mula pagkakadapa sa matinding kapighatian at mabigat na problema. Dahil mas pinairal ko ang pagiging positibo sa lahat ng oras at bagay. Na alam ko simula pa noon na ang lahat ng ito ay pansamantala lamang at may magandang plano si Lord. Ang patuloy na pagmamahal ng aking pamilya at ng aking anak ang aking patuloy na lakas sa bawat araw. Ang walang sawang pagsuporta ng aking mga tunay na kaibigan at pagbibigay sa akin ng lakas ng loob.
 
Ang aking mga kakayahan na nagsisilbi kong libangan at napapakinabangan. Ang mga taong naaabot ng aking kwento at ginagawa akong inspirasyon ay sapat na para lalo akong tumibay sa laban kong ito. At ang mga kahanga-hangang paraan ni Lord na pagpapadama ng Kanyang pagmamahal sa akin at sa aking anak.
 
Napakasarap sa pakiramdam lalo na isang katulad ko ang makapagbigay ng lakas ng loob sa isang taong pinanghihina na ng mga pagsubok at problema sa buhay. Na sa simpleng mga salita ko lamang at pagbabahagi ng mga naranasan ko na kabiguan sa buhay at kung paano ko ito nakayanang lahat at lagpasan ay pwedeng palang panggalingan ng lakas ng iba. Tiwala lang at huwag papatalo sa mga negatibong bagay at pangyayari sa paligid. Lahat ay ay may kasagutan at solusyon. Nasa itaas lang ang lahat at isang pagyuko lang natin ang kinakailangan.