
Taon ng 2012, ika-dalawang taon ng aking pagkakaparilisado at dalawang taon pa lang ang aking anak noon ng ako’y ihiwalay ng tirahan at tumirang mag-isa sa aking kubo. Ito ay para sa ikabubuti ng aking kalagayan. Na dapat sa tulad ko na nakabilanggo sa higaan ay may maayos na bentelasyon at presko palagi para maiwasan ang pagkakapaso ng katawan sa mahabang oras at panahon ng pagkakahiga. At gumaling ang aking mga sugat dulot ng mga paso ng init ng matagal na pagkakahiga.
Isa sa laging naitatanong sa akin kung may nakakabisita na estranghero man o isang kaibigan kung paano ako namumuhay ng mag-isa o kung hindi ako natatakot sa gabi. At kung ako ba ay nababagot na sa aking buhay dulot ng matinding kalungkutan o kabagutan. At ang tanong na….”Buti hindi ka pa sumusuko”? Lagi ko naman sila sinasagot ng positibo at puno ng pag-asa. Ilang hakbang lang naman ang layo ng aming tahanan sa aking tirahan. At lahat ng aking pangangailangan ay abot kamay ko naman at sisigaw lang ako kung may nais ipaabot o oras na upang kumain. At higit sa lahat ang dahilan kung bakit ako nabubuhay, ang aking anak na siyang nagpapalakas sa akin at tunay na nagpapasaya sa akin.
Paano ko nga ba nalabanan ang matinding kalungkutan o ang sinasabing depresyon? Gusto kong talakayin ang napapanahon na isyung ito na laging laman ng social media at mga balita. Mga taong dumaranas ng depresyon dulot ng iba’t-ibang problema at pagsubok sa buhay.
Kelan lang ay may isa akong kaibigan na bumisita sa akin. Nagbahagi siya ng konti patungkol sa kanyang buhay at nabanggit niya sa akin na siya may depresyon. Di ko tuloy mawari kung bat siya may depresyon sa kabila ng napakaganda niyang kalagayan sa buhay. Maayos at masaya ang kanyang pamilya at maykaya sila sa buhay. May napakaganda siyang trabaho sa siyudad at maraming humahanga sa kanyang magagandang katangian. Naiwika ko na lang sa aking sarili…ano pa kaya ako na may tinapos sana na magandang kurso, may anak na maipagmamalalaki sa maraming tao (at umiiyak ako ngayon habang tinitipa ang mga katagang ito) at kung sana ay hindi ako ganito,na sana ay nasa ibang bansa na rin siguro ako at may magandang hanapbuhay at naibigay ko na ang lahat ng mga pinapangarap ng aking mga magulang noon pa man. Siguro kung may dapat na dumanas ng depresyon ay walang iba kundi ako. Pero hindi eh…maraming dapat na pagtuunan ng pansin na magagandang bagay sa buhay. Mga mas importante at makabuluhang pangyayari sa araw-araw.
Marami pa ring paraan upang maging masaya at maging positibo lagi. Bat natin aaksayahin ang bawat biyaya ng umaga upang maging malungkot. Oo pwede tayong umiyak sa oras ng mga kabiguan at manghina sa mga dagok ng buhay pero ito ay hindi natin dapat ikasira o ikalugmok ng tuluyan at sumuko na lang. Aaminin ko ako din ay minsan ay nadadarang na sa sobrang kalungkutan, ang matinding pag-iisip ng mga sana andun ako o sana ako yon. Iniiyak ko ang lahat ng ito. Pero hindi ko ito pinatatagal sa aking sistema at lalo na sa aking isipan. Idinarasal ko itong lahat sa ating Panginoon at hinihinge lagi ang Kanyang pagpapala at gabay.
Napakasarap mabuhay at maging masaya. Isipin natin lagi ang mas magagandang bagay na nangyayari at mangyayari pa. An ating pamilya na kaylanman ay hindi tayo pababayaan. Mga kaibigan na handang makinig sa ating mga hinaing sa buhay at magbigay ng payo. At higit sa lahat, ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos sa Bibliya na pinakamabisang panlaban at gamot sa depresyon. Ang paghinge ng tulong lagi sa ating Maylikha na tanging Siya lamang ang nakakaalam at may hawak ng ating buhay.
Ang iwasan ang sobrang pag-iisip at pagkabahala. Ang pagiging negatibo na siya lamang sisira mismo sa ating sarili. Isipin na lang natin palagi ang bawat hagupit at sakit na naranasan ng ating Panginoong Hesus bago Siya ipako sa krus. Ang bawat latay ng latigo sa Kanyang katawan ay kaylaman ay hindi maikukumpara sa bawat pagsubok na ating dinaranas. Siya ang dapat nating isapuso at isaisip palagi na parang tayo ay mahihiya sa Kanya sa bawat oras na naiisip nating sumuko na lang. Sa mga araw na kailangan nating lumuha ay tayo tumingala na lang at sa Diyos ang lahat ay sabihin at palayain ang mga puso sa bawat hapdi at pasakit na ating nararanasan. Dahil Siya ay laging nakatanaw sa atin at ngumingiti. Kaylanman ay hindi Siya natutulog at hindi Niya tayo pababayaan at ayaw Niya na tayo ay laging lumuluha.
Ang lahat ay isang pagsusulit lamang at kung tayo ay masipag mag-aral sa bawat araw na itinuturo ng buhay at ang Diyos ang guro na lagi nating sinusunod ay tunay na tayo ay matuto at magkakaroon ng dunong na sa bawat pagsubok ay hindi kaylanman uurong.
